CAGAYAN DE ORO CITY – Paiigtingin pa ng mga bumubuo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang ‘gaining program outputs’ upang tuluyang bumagsak ang kilusang armado ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa kanayunan ng bansa.
Ganito ang reaksyon ni Philippine Army spokesperson Col. Louie Dema-ala patungkol sa paninindigan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr na mananatili hanggang magtapos ang kanyang termino ang NTF-ELCAC salungat sa ipinagpilit ng ilang grupo na hindi umano ito epektibo paglaban sa isyung insurhensiya na isinulong ng CPP-NPA-NDFP.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Dema-ala na bagamat nasiyahan ang buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa katiyakang pahayag ng ‘commander-in-chief’ ukol sa isyu subalit dapat mapanatili ang hawak na momentum pagsagot sa mga suliranin na ginawang instrumento ng mga komunista para pabagsakin ang pamahalaan.
Sinabi ng opisyal na malaking tulong sa mga kanayunan ang programa dahil maraming mga mamamayan ang naisalba mula sa pagkatali ng kanilang mga kamay gamit ang mabigat na mga isyu ng lipunan.
Magugunitang hindi rin sumang-ayon si Marcos sa mga ipinalutang na nagmula sa panig ng gobyerno ang naghasik ng ‘red tagging’ laban sa ilang personalidad na sumalungat at tumuligsa ng mga isyung-bayan.