Hindi bubuwagin ng Marcos administration ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ito ang inihayag ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya sa isang statement sa gitna ng pagbuhay ng panawagan na buwagin ang anti-insurgency task force kasunod ng ruling ng SC en banc na banta sa buhay ng isang indibidwal ang red-tagging.
Binanggit din ni Malaya ang tinuran ni Pangulong Marcos sa isang pagpupulong ng NTF-ELCAC sa Malacañang na masaya ito sa performance o tagumpay ng task force.
Sinabi din aniya ng Pangulo na nais niyang magkaroon pa ng karagdagang suporta para sa NTF-ELCAC.
Sa katunayan aniya, inatasan nito ang task force na agarang ipatupad ang Amnesty program, taasan ang pinansiyal na suporta para sa 846 barangay sa ilalim ng Barangay Development Program ng NTF-ECAC at inatasan ang Gabinete na pag-aralan ang 2024-2028 roadmap ng task force.
Sinabi din ng NSC na tinututulan nito ang lahat ng panawagan mula sa makakaliwang grupo para sa pagbuwag sa task force at tinawag itong walang basehan at hindi kailangan.
Saad pa ni Malaya na isang game changer ang NTF-ELCAC sa laban kontra sa New People’s Army at kanilang allied at front organizations dahil nalansag nito ang nasa 9 na mahihinang guerilla fronts na may 1,000 natitirang armadong miyembro na nagkalat sa malalayong lugar.
Naninindigan din aniya ang makakaliwang grupo sa panawagan nitong buwagin ang task force dahil malapit na aniyang makamit ng pamahalaan ang tagumpay laban sa Communist Party of the Philippines, New People’s Army and National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at ayaw umano nila itong mangyari.
Binigyang diin pa ng NSC official na hindi nabanggit sa 39 na pahinang desisyon ng SC na notorious red-tagger ang NTF-ELCAC.