-- Advertisements --

Hindi natinag ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa reklamong anti-discrimination na inihain ng Makabayan bloc sa Commission on Elections (Comelec) laban sa ahensiya.

Ayon kay NTF-ELCAC legal cooperation cluster spokesperson Atty. James Clifford Santos, nakikita nila ito bilang isang pagkakataon para mailantad nang tama sa tribunal setting ang tunay na pagkakakilanlan ng naturang mga personalidad sa pamamagitan ng matibay at credible na ebidensiya.

Ginawa ng NTF-ELCAC ang pahayag matapos akusahan ng Makabayan coalition ang kanilang executive director na si Ernesto Torres Jr. ng paglabag sa mga probisyon ng anti-discrimination sa ilalim ng Comelec Resolution 11116 para sa 2025 midterm elections sa pamamagitan ng umano’y red-tagging sa mga progresibong mambabatas partikular na kay Rep. Arlene Brosas.

Subalit sinabi ni Santos na dapat ibasura ng Makabayan bloc leaders ang mga alegasyon laban sa kanila at sa halip ay kondenahin ang mga kalupitan at iba pang masasamang gawain ng komunistang grupo.

Sa huli, sinabi ng task force na committed ito para sa whole-of-nation approach sa pagkamit ng isang inklusibo at tuluy-tuloy na kapayapaan, nang walang masangkot sa anumang election offense o maging kasangkalan ng maruming taktika na makakasira sa kredibilidad ng nalalapit na halalan.