Aminado ang National Task Force to End Local Communist and Armed Conflict na nabigla sila sa naging pahayag ng dalawang aktibista na sina Jonila Castro at Jhed Tamano sa isang pulong balitaan na ginanap sa Plaridel, Bulacan.
Ito ay matapos na biglang baliktarin ng dalawa ang militar nang humarap sa isang press conference pahinggil sa kanilang pagkawala na pinangunahan mismo ng NTF-ELCAC.
Nang bigyan kasi sila ng pagkakataon na makapagsalita ay pinabulaanan nila ang una nang naging pahayag ng naturang task force at ng AFP na kusa silang sumuko sa mga otoridad at bagkus ay binigyang-diin na mga militar daw ang dumukot sa kanila…
Sa isang statement ay sinabi ng NTF-ELCAC na tila tinraydor at dinaya daw sila ng dalawa sa mismong press conference na sila ang nag-organize.
Ngunit sa kabila nito ay nanindigan pa rin ang nasabing task force sa kanilang posisyon na walang abduction na naganap at sumuko ang dalawa sa mga otoridad na pinatutunayan lamang anila ng mga nilagdaang affidavits kung saan nila isinalaysay ang lahat na pinabulaanan din naman nina Castro at Tamano.
Kung maaalala, una nang sinabi ni AFP spox. Col. Medel Aguilar na hindi dinukot ng mga militar sina Castro, at Tamano, at bagkus ay nagtatago sa kanilang mga kasamahan.
Aniya, humingi ng tulong sa kanilang mga kakilala ang dalawa upang magtago sa kanilang mga kasamahan na puwersahan silang pinapabalik sa kanilang inanibang underground organization bago sila tuluyang lumapit at magpasaklolo sa mga otoridad.