Siniguro ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na kaalyado nito si VP Sara Duterte.
Ito ay sa kabila ng mga naging pahayag ng pangalawang pangulo na hindi dapat bigyang daan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng rebeldeng grupo, sa kabila ng naging pagpabor dito ni PBBM.
Ayon kay NTF-ELCAC National Secretariat Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr., kasama ng pamahalaan si VP Sara at nagsisilbing co-vice chair ng NTF-ELCAC.
Ayon kay Torres, hindi dapat bigyang-kahulugan ang pagtutol ng pangalawang pangulo sa pinirmahang opisyal na pahayag(Joint Oslo Communique) bilang kanyang pagtutol sa polisiya ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagsusulong ng kapayapaan, pagkakaisa, at kaunlaran.
Ayon kay Torres, ang pagkakaiba ng pananaw ng mga lider ng pamahalaan ukol sa amnestiya at usapang pangkapayapaan ay hindi aniya nangangahulugan hindi pagkakasundo, dahil sa nagkakaisa aniya ang mga ito sa layuning mawakasan ang armadong hidwaan.
Una rito ay tiniyak ni National Security Council Assistant Deputy General Jonathan Malaya na kapwa suportado nina PBBM at VP Sara ang layuning mawakasan ang insurhensiya sa bansa.