Tiniyak ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 na nakahanda ang gobyerno sa posibleng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 ngayong holiday season.
Ayon kay NTF Deputy Implementer Sec. Vince Dizon, base sa trend ay nakikita raw nila na tumataas ang kaso dahil sa naging kampante raw ang publiko nitong mga nakalipas na buwan.
“Nakikita po natin na tumataas ang ating kaso. Hindi naman po ito nakakagulat. Marami pong lumalabas dahil after months of quarantine, gustong makasama ang mga mahal sa buhay dahil magpa-Pasko. Pero hindi po puwedeng maging kampante. Kaya lagi pong handa ang ating mga pasilidad kung tumaas man po ulit ang mga kaso,” wika ni Dizon.
Sa panig naman ni Department of Public Works and Highways Sec. Mark Villar, handa sa anumang puwedeng mangyari ang pamahalaan.
“Rest assured we will continue to work very hard kahit alam po natin na malapit na magkaroon ng vaccine [against COVID-19],” ani Villar.
Una rito, pinangunahan nina Dizon at Villar ang ginanap na pagbubukas ng Quezon Institute-Philippine Tuberculosis Society Inc. Modular Hospital and Dormitory sa Quezon Institute compound sa Quezon City.
Ang dalawang units ng mga modular hospital na may 44 bed capacity ang pagdadalhan sa mga moderate at severe COVID-19 patients.
Habang ang dalawang units ng dormitory na may 64 kama ay gagamitin naman ng mga health workers.