-- Advertisements --

Iginiit ng National Task for the West Philippine Sea ang posisyon ng MalacaƱang na hindi sapat para ikonsiderang armadong pag-atake ang kamakailang agresibong aksiyon ng mga tauhan ng China Coast Guard laban sa mga personnel ng Pilipinas sa Ayungin shoal.

Ito ay sa kabila pa ng natamong matinding injury ng isa sa tauhan ng Philippine Navy na si Seaman First Class Jeffrey Facundo na naputulan ng kaniyang kanang hinlalaki at nasugatan ang 7 iba pa at pinagsisira ng mga Chinese ang windscreen, communications at navigational equipment ng rigid hull inflatable boat ng PH.

Sa pulong balitaan din ngayong araw sa lungsod ng Quezon, sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Jay Tarriela na tumatayong tagapagsalita ng NTF-WPS na hindi intensiyon ng China na pataasin ang tensiyon sa pinag-aagawang karagatan dahil ang naging layunin umano ng China ay harangin ang resupply mission ng PH sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Kapwa lamang din aniya ginawa ng pwersa ng Pilipinas at China ang kani-kanilang tungkulin sa pinag-aagawang karagatan sa kasagsagan ng insidente.

Pinawi din ng opisyal ang pangamba na posibleng magsimula ng giyera at mag-udyok sa 1951 Mutual Defense Treaty sa pagitan ng PH at Amerika ang insidente noong Lunes.

Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos una ng sabihin ng Malacanang partikular na ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi armadong pag-atake ang nasabing insidente na maaaring mag-trigger sa MDT sa Amerika. Sinabi din ni Bersamin na posibleng misunderstanding o aksidente ang nangyari.

Ipinaliwanag naman ni Tarriela ang pagkaputol ng daliri sa isang tauhan ng PH Navy. Aniya, ito ay nangyari sa kasagsagan umano ng high-speed ramming ng rigid-hull inflatable boats at hindi dahil sa hawak na weapons ng Chinese personnel.

Sa kabila nito, iginiit pa rin ni Tarriela na itinuturing pa ring barbaric at hindi makatao ang ginawa ng China Coast Guard at nanindigang kinokondena nila ang mga aksiyon ng mga Chinese laban sa tropa ng ating bansa.