Kinontra ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang naunang naratibo ng China.
Sa isang press conference ngayong Lunes, kinumpirma ni spokesperson for the NTF-WPS at National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya ang nangyaring banggaan sa pagitan ng mga barko ng China Coast Guard at Philippine Coast Guard.
Ayon kay Malaya, naka-engkwentro ang PCG vessels ng mapanganib at ilegal na mga maniobra mula sa CCG vessels habang patungo ang mga barko ng Pilipinas sa Patag at Lawak islands sa WPS.
Nagresulta ang mapanganib na maniobra ng Chinese vessel sa collision at nagdulot ng pinsala sa parehong barko ng PCG na BRP Cape Engaño at BRP Bagacay.
Aniya, dakong 3:24am ngayong araw, habang naglalayag ang BRP Cape Engaño, 23.02 nautical miles timog-silangan ng Escoda shoal, pinunterya ito ng agresibong maniobra ng CCG vessel 3104 na nagresulta sa pagbangga sa starboard beam ng PCG vessel na ikinabutas ng deck nito na tinatayang 5 pulgada ang laki.
Ilang minuto naman ang nakakalipas, bandang 3:40 am, habang naglalayag ng tinatayang 21.3 nautical miles ang BRP Bagacay sa timog-silangan ng Escoda shoal, dalawang beses itong binangga ng CCG vessel 21551 sa may port at starboard sides na nagresulta sa minor structural damage.
Samantala, sa panig naman ng Philippine Coast Guard, ipinagtanggol ni PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela ang transparency effort ng Pilipinas sa mga nangyayari sa WPS sa ilalim ng Marcos administration na sinimulan noong Pebrero ng nakalipas na taon.
Inisa-isa din ni Comm. Tarriela ang 3 pangunahing layunin ng ginagawang transparency effort ng Pilipinas sa WPS at iginiit na gumagana ang kanilang ginagawang inisyatibo bagamat hindi aniya ito silver bullet sa paglaban sa mga agresyon ng China.