Muling nagpahayag ng mariing pagkondena ang National Task Force for the West Philippine Sea sa panibago nanamang naging agresibong aksyon ng China laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ito nga ay matapos ang panibagong panghaharas, panghaharang, at pagsasagawa ng dangerous maneuvers sa mga barko ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa mga barko ng Pilipinas kabilang na ang isang civillian vessel na kasama sana sa isasagawang rotation and resupply mission para sa mga tropa ng militar sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal.
Kung maaalala, una nang iniulat ng naturang task force na muling sinubukang pigilan ng China ang naturang resupply mission ng Pilipinas sa BRP Sierra Madre sa pamamagitan ng pambobomba ng CCG vessel 5204 ng water cannon sa BRP Cabra at supply vessel na M/L Kalayaan na nagdulot naman ng malaking pinsala sa makina nito at gayundin ng banta sa buhay ng mga Pilipinong sakay nito.
Ito ang dahilan kung bakit napilitan ang mga tauhan ng BRP Sindangan na muling bumalik sa Ulugan bay sa Palawan hatak-hatak ang nasirang M/L Kalayaan.
Bukod dito ay iniulat din ng mga kinauukulan na nakaranas din ng panghaharas mula sa China ang isa pang resupply boat ng Pilipinas na Unaizah Mae 1 nang banggain ito ng CCG vessel 21556 ngunit sa kabila nito ay naging matagumpay pa rin ito sa isinagawang resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Ayon sa NTF-WPS, ang mga aksyon na ito ng People’s Republic of China na sumasalamin lamang sa kuwestiyonable at nakakadudang sinseridad nito sa mga panawagang payapang makikipagtalakayan sa ating bansa.
Dahil dito ay muling binigyang-diin ng naturang task force na batay sa United Nations Convention on the Law of the Sea at 2016 Arbirtal Award na Ayungin Shoal ay nasasakupan ng exclusive economic zone at continental shelf ng ating bansa na nagpapatunay lamang na hindi nakasalig sa international law ang ginagawang aksyon ng China sa nasabing lugar.
Kaugnay nito ay una na ring sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines na hinding hindi makapapayag ang Pilipinas na magpaapi at magpabully sa China sapagkat kabilang sa aniya sa mga karapatan ng ating bansa ang pagpapatrolya at pagsasagawa ng mga resupply mission sa naturang lugar na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas na pilit na inaagaw at inaangkin ng China.
Matatandaan na ang panibagong insidente na ito ng pangbobomba ng water cannon ng CCG sa barko Pilipinas at halos kasunod lamang ng kamakailan lang na ginawa nitong walong beses na pangbobomba ng tubig sa isa pang barko ng Pilipinas sa bahagi naman ng Scarborough Shoal na maghahatid lamang sana ng krudo at iba pang suply para sa mga Pilipinong mangingisda na nasa Bajo de Masinloc na nagdulot din ng malaking pinsala sa communication at navigation equipment ng isa sa mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na Datu Tamblot.
Habang may mga namataan din ang mga kinauukulan na presensya ng mga Chinese Maritime Militia vessels sa lugar na nagsasagawa naman ng mga dangerous maneuvers kasabay ng padedeploy ng mga long-range acoustic device na nagdulot naman ng severe temporary discomfort at incapacitation ng ilan sa mga Filipino crew kasabay ng pagdedeploy ng China ng mga inflatable boats para itaboy naman ang mga Filipino fishing vessel na naghihintay sa ipamamahaging fuel subsidies at food supplies ng BFAR.
Bukod dito ay ibinulgar din ng naturang task force na may mga naidokumento rin ang mga mangingisdang Pilipino na aktong paglulunsad ng CCG ng maliliit na mga bangka kaninang madaling araw upang ilegal na maglagay ng mg floating barriers sa Timog-Silangan ng bukana ng Bajo de Masinloc.
Dahil dito ay nananawagan ngayon ang Pilipinas sa gobyerno ng China na agad na aksyunan ang usaping ito upang pigilin ang mga agresibong aktibidad ng CCG at Chinese Maritime Militia sa West Philippine Sea.