Muling iginiit ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang panawagan nito sa gobyerno ng China na agad na itigil ang lahat ng provocative at mapanganib na mga aksiyon nito.
Nanindigan din ang ahensiya na hindi natitinag ang Pilipinas sa pag-exercise sa mga karapatan nito para palakasin pa ang maritime domain awareness sa loob ng sovereign territory nito, maging sa national airspace, EEZ at sa high seas alinsunod sa UN Convenion on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award.
Ito ang naging tugon ng NTF-WPS kasunod ng kamakailang inilunsad na flares ng China laban sa PH aircraft.
Sa isang statement na inilabas ng ahensiya ngayong araw ng Sabado, ibinahagi ng NTF-WPS na noong Agosto 22 habang nagsasagawa ng Maritime Domain Awareness Flights ang BFAR aircraft na Cessna 208B sa koordinasyon sa PCG, nagpakawala ng flares ang China mula sa ilegal na ipinatayong artificial island nito sa Zamora reef na nasa territorial sea ng Pag-asa Island.
Nakaengkwentro din ng harassment ang parehong aircraft ng BFAR mula sa People’s Lieration Army Air Force (PLAAF) fighter jet 63270 noong Agosto 19 habang nagsasagawa ng routine patrol malapit sa Bajo de Masinloc. Dito, nagpakawala ng flares ang naturang fighter jet ng China ng maraming beses sa mapanganib at malapit na distansiya na tinatayang nasa 15 metro mula sa BFAR Grand Caravan aircraft.
Nilinaw naman ng NTF na hindi prinovoke ang Chinese fighter jet sa halip ang mga aksiyon nito ang nagpakita ng mapanganib na intensiyon na naglagay sa kaligtasan ng mga Pilipinong personnel na lulan ng BFAR aircraft sa panganib.