-- Advertisements --

Pinasinungalingan ni National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) spokesperson Jonathan Malaya ang claim ng China na nagpapalaganap ng malawakang polusyon ang BRP Sierra Madre sa West Philippine Sea (WPS).

Nitong Marso-2, 2025 ay naglabas ang China ng video footage na nagpapakita umano sa mga tropa ng Pilipinas na nagsusunog ng mga basura sa BRP Sierra Madre, ang outpost ng Armed Forces of the Philippines sa Ayungin Shoal o Second Thomas Shoal.

Bahagi ng inilabas na video ay ang makapal na usok mula sa sinusunog na mga bagay.

Pero ayon kay malaya, walang katotohanan na gumagawa ng polusyon ang mga tropa ng pamahalaan na nakabase sa BRP Sierra.

Aniya, posibleng nakita lamang ng mga Chinese ang paglilinis ng mga sundalong nakabase sa isinadsad na barko, at naglabas na ang mga ito ng sariling opinion nang hindi bineberipika.

Iginiit din ng opisyal na sa halip na sirain ang WPS ay pinapangunahan pa ng mga tropa ng gobiyerno ang pag-protekta sa naturang karagatan mula sa polusyon, basura, atbpa.

Sa kabila nito, ipinapaubaya na rin ni Malaya ang opisyal na paliwanag mula sa AFP na silang may saklaw sa BRP Sierra Madre.

Nanindigan naman ang opisyal na kaisa ang mga sundalo ng Pilipinas sa pagprotekta sa kalinisan at katatagan ng marine resources sa pinagtatalunang karagatan.