Suportado ni House Ways and Means Committee chairman at Albay rep. Joey Salceda ang policy commitment ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil s nuclear energy na nakapaloob sa Executive Order No. 164.
Ayon kay Salceda, kinakailangan nating tanggapin ng may bukas na mata at pag-iisip ang paggamit ng nuclear energy, at hindi aniya dapat takot ang pairalin.
Paliwang niya, ang patakaran daw kasi na ito na nagtataguyod sa isang ligtas at maaasahang nuclear energy ay ang pinaka-maaasahang mapagkukunan ng enerhiya.
Sa pamamagitan din nito ay mas magiging malakas pa ang national at economic security ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Salceda, ang soberanya aniya ng enerhiya at ang paglipat ng bansa patungo sa less pollutive energy sources ay nangangailangan ng nuclear energy, dahil hindi gaanong matatag na pinagmumulan ng enerhiya ang solar, wind, at iba pa.
Sa ngayon ay tinatayang nasa 75 percent ng kuryente sa Pilipinas ang labis na nakadepende sa fossil fuels kung kaya’t ipinaliwanag din nito ang daranasin na paghihirap ng mga Pilipino sa tuwing magkakaroon ng problema sa mga oil-producing states tulad ng Russia o Middle East.
Samantala, muli naman itong nagpahayag ng pag-asa na ang naturang policy commitment ay magbibigay daan para sa isang seryosong policy and financial investment sa nuclear research.
Magugunita na inilabas ni Pangulong Duterte ang naturang patakaran kasunod ng rekomendasyon ng Nuclear Energy Program Inter-Agency Committee (NEP-IAC), na nagsagawa ng pre-feasibility study at pampublikong konsultasyon sa usapin.