Dumating sa South Korea nitong Sabado ang isang nuclear-powered U.S. aircraft carrier para sa isang three-way exercise kabilang ang Japan upang paigtingin ang kanilang military training sa gitna ng banta ng North Korea kung saan mas umigting kasunod ng isang kasunduan sa seguridad sa Russia.
Ang pagdating ng USS Theodore Roosevelt strike group sa Busan ay dumating isang araw matapos ipatawag ng South Korea ang Russian ambassador upang iprotesta ang isang malaking kasunduan sa pagitan ng Russian President na si Vladimir Putin at North Korean leader Kim Jong Un.
Ang kasunduan ay isang pangako ng tulong na ipagtanggol ang isa’t isa kung sakaling magkaroon ng digmaan.
Kasunod ng pagpupulong sa pagitan ng mga defense chiefs sa Singapore nitong unang bahagi ng Hunyo, inanunsyo ng United States, South Korea at Japan ang Freedom Edge drills.
Ang Roosevelt strike group ay lalahok sa isang pagsasanay na inaasahang magsisimula ngayong Hunyo. Hindi naman kinumpirma ng militar ng South Korea ang detalye ng pagsasanay.
Sinabi naman ni Rear Admiral Christopher Alexander, commander ng Carrier Strike Group Nine, na ang pagsasanay ay layong palakasin ang tactical proficiency ng mga barko at pahusayin ang interoperability sa pagitan ng mga navy ng mga bansa upang matiyak aniya ang kahandaan sa pagtugon sa anumang krisis.
Lumahok din ang Roosevelt strike group sa isang three-way exercise kasama ang South Korean at Japanese naval forces noong Abril sa pinagtatalunang karagatan.