Pumayag na umano ang North Korea at ang Estados Unidos na ipagpatuloy ang kanilang mga negosasyon ukol sa nuclear weapons ng Pyongyang.
Ito’y matapos ang ilang buwang pananahimik ng magkabilang kampo bunsod ng hindi pagkakasundo sa ilang mga aspeto.
Ayon kay North Korean First Vice Foreign Minister Choe Son Hui, mangyayari raw ito sa darating na Sabado, Oktubre 5.
Sa isang pahayag na inilabas ng Korean Central News Agency, positibo rin daw ang opisyal ukol sa kalalabasan ng pulong ngunit hindi naman nito sinabi kung saan ito mangyayari.
“It is my expectation that the working-level negotiations would accelerate the positive development of the DPRK-U.S. relations,” pahayag ni Choe.
Natigil ang mga nuclear negotiations sa loob ng ilang buwan matapos ang naganap na summit sa pagitan nina North Korean leader Kim Jong Un at President Donald Trump noong Pebrero sa Hanoi, Vietnam.
Hindi kasi tinanggap ng Washington ang hirit ng Pyongyang na alisin ang ipinataw sa kanila na mga sanctions para sa bahagyang pagsuko sa kanilang mga nuclear capabilities. (ABC News)