CAUAYAN CITY- Tiwala si Governor Carlos Padilla na manunumbalik ang sigla ng ekonomiya ng lalawigan ng Nueva Vizcaya kasunod ng paghupa ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Padilla, ibinahagi nito na malaki ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng kanilang probinsiya.
Ikinagalak nito ang panunumbalik ng buong lalawigan sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) kabilang na ang bayan ng Solano na binansagang epicenter ng COVID-19 sa Rehiyon Dos.
Sa kabila nito ay patuloy ang pamamahagi ng Food Assistance sa bawat pamilya sa probinsiya dahil hindi na kaya ng pamahalaan na mamahagi ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP).
Umaasa naman ang punong lalawigan na manunumbalik na ang sigla ng ekonomiya sa lalawigan at ang iba’t ibang bahay kalakal ay unti-unti ng nagbubukas at nagbibigay ng serbisyo.
Kaugnay nito ay patuloy ang pagsasagawa nila ng mga pagpupulong at pag-iisip ng mga pamamaraan upang mabigyan ng trabaho ang mga sektor na naapektuhan ng pandemic.
Aminado naman ang Gobernador na hirap ngayon ang sektor ng transportasyon sa kanilang lalawigan kaya nakikipag-ugnayan din sila sa LTFRB Region 2 para sa mga karagdagang units na maaring pahintulutan magbiyahe.