Inilagay na sa quarantine si NBA star Nikola Jokic sa kanyang hometown sa Serbia matapos itong magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa lumabas na ulat, nakatakda na sanang bumiyahe pabalik si Jokic papuntang Estados Unidos para paghandaan ang pagbabalik ng season, ngunit lumabas sa test na positibo ito sa COVID-19.
Asymptomatic o wala naman umanong sintomas ng sakit ang Denver Nuggets big man mula nang makuha nito ang kanyang resulta noong nakalipas na linggo.
Kamakailan nang namataan si Jokic sa Belgrade, Serbia sa isinagawang exhibition basketball game.
Isa sa mga players na lumahok sa laro, at kalaunan ay nakitang halos katabi na ni Jokic, ay nagpositibo sa deadly virus.
Ang tennis star namang si Novak Djokovic, na nakaupo katabi ni Jokic sa naturang event, ay nag-anunsyo na nahawaan na rin ito ng coronavirus.
Inaasahan naman na sa susunod na linggo ay bibigyan na si Jokic ng clearance para ituloy ang naudlot na biyahe patungong Amerika.