Ginulantang ng Denver Nuggets ang mundo ng basketball nang magtala nang big upset matapos na masilat ang powerhouse team na Los Angeles Clippers sa Game 7, 104-89.
Dahil dito, umusad na sa conference finals ang Nuggets na gumulat din sa marami at sorpresang pagtambak pa ng score laban sa No. 2 sa West.
Ito na ang ikalawang magkasunod na serye na winalis ng Denver ang kanilang 3-1 deficit mula ng mapasama sila sa NBA bubble sa Walt Disney sa Florida.
Ang makasaysayang record ng Nuggets ay nagbigay sa kanila nang premyo upang makaharap ang Los Angeles Lakers para malaman naman ang aabanse sa NBA Finals.
Muling nanguna sa opensa ng Denver ang tinaguriang “dynamic duo” na sina Nikola Jokic at Jamal Murray.
Namayani ng husto si Murray na may kabuuang 40 points mula sa 6-of-13 para sa 3-point shooting.
Ang big man na si Jokic ay nagtapos sa triple double performance na may 16 points, 22 rebounds at 13 assists.
“Nobody thinks that we can do something,” ani Jokic bilang sagot sa mga kritiko. “We proved to ourselves and proved to everybody that we can do something.”
Sa kampo naman ng Clippers nasayang ang ginawa ni Montrezl Harrell mula sa bench na kumamada 20 points.
Liban dito, nalimitahan din sa kanilang opensa sina Kawhi Leonard na nagpakita lamang ng 14 at si Paul George ay nagkasya naman sa 10 puntos.
Marami naman ang nadismaya na hindi man lamang nakapagbuslo ng bola ang mga big time superstars na sina Leonard at George sa 4th quarter.
Sa pagsisimula ng laro hawak pa ng Clippers ang 12-point lead sa first half pero hinabol ito ng husto ng Nuggets tulad din nang ginawa nila sa Game 5 at Game 6 kung saan tuluyang nag-collapse ang LA.
Sa ngayon aalis na sa NBA bubble ang Clippers na luhaan matapos ang tatlong sunod-sunod na pagkatalo.
Kung maalala bago pa man ang playoffs kabilang ang Clippers na paborito sanang team na sasabak sa kampeonato.