Sumandal ang Denver Nuggets kay Nikola Jokic na umiskor ng 37 points upang pigilan ang 39-points efforts ni Damian Lillard para itumba ang Portland Trail Blazers, 121-113, sa opener ng kanilang second-round playoff series sa Western Conference.
Kung maaalala una nang naging bayani si Lillard nang kumamada ng 50 points kabilang na ang 37-footer buzzer beater upang masilat ang Oklahoma City sa five games.
Gayunman sa laro nitong araw, nagmintis ang walo sa 12 kabuuang 3-point attempts.
Liban dito, napigilan din ni Gary Harris ang tangkang 3-points ni Lillard sa huling minuto ng laro.
Bigo ring makalapit ang minalas na Portland sa epektibong opensa ng Denver.
Sinamantala rin ng Nuggets ang 18 mga turn over ng Portland para i-convert ito sa 23 points.
Malaking tulong din naman para kay Jokic ang ginawa nina Jamal Murray na may 23 points at Paul Millsap na nagpakita ng 19 para sa kanilang unang paglahok sa loob ng isang dekada sa semifinals.
Ang Game 2 ay gagawin sa Huwebes.
Bago umusad ang Denver ay matagumpay nilang nadispatsa ang Spurs sa pamamagitan ng 90-86 sa Game 7.
Ang Blazers naman ay nasa semis ngayon bilang unang pagkakataon sa loob ng tatlong taon.