Hindi umano natitinag ang Denver Nuggets kahit dalawang panalo na ang abanse sa kanila ng Los Angeles Lakers sa kanilang serye sa Western Conference Finals.
Ayon kay Nuggets coach Mike Malone, gagamitin nilang motibasyon ang kanilang pagkadismaya upang makasikwat na ng panalo sa darating na Game 3.
“Some guys like to win, some guys hate to lose,” wika ni Malone. “One thing I know about our group: Even though we are disappointed, frustrated, angry, we’ll use that motivation to come out and try to take Game 3.”
Binigyang-diin ni Malone na ayaw na ayaw niya at ng kanyang tropa na natatalo sa anumang sinusuong nilang laban.
Ilan din aniya sa kanilang inaayos sa kanilang mga game plan ay ang depensa at malimitahan ang mga turonovers.
Matatandaang binansagan ngayon ang Denver bilang “king of comebacks” matapos ang malahimala nilang pagbangon sa 3-1 deficits sa unang dalawang round ng postseason.