Abanse na sa Western Conference semifinals ang Denver Nuggets makaraang talunin nila ang Utah Jazz sa do-or-die Game 7 ng kanilang serye, 80-78.
Ang Nuggets na ngayon ang ika-12 koponan sa kasaysayan ng NBA na nakabangon mula sa 3-1 deficit para maipanalo ang serye.
Namuno sa hanay ng Denver si big man Nikola Jokic na umiskor ng double-double na 30 points at 14 rebounds.
Kay Jokic din nanggaling ang tiebreaking basket sa nalalabing 27 seconds upang maibulsa nila ang tagumpay.
Hindi rin nagpaawat si Jamal Murray na kumamada ng 17 points.
Makakatunggali ng No. 3 seed na Nuggets ang Los Angeles Clippers sa second round ng playoffs.
Sa panig ng Jazz, nagtala ng 22 points si Donovan Mitchell, at nagtapos namang may 19 points at 18 rebounds si Rudy Gobert.
Kontrolado ng Denver ang first half at tangan ang 19-point lead sa pagpasok ng thrd quarter.
Bilang tugon, nagpakawala ng siyam na magkakasunod na puntos si Mitchell bago pumukol ng 3-pointer si Mike Conley para tapyasan ang iskor sa 55-48.
Nakalapit pa ang Jazz sa 65-60 kasunod ng three-point play ni Gobert.