ILOILO CITY – Nababahala ang National Union of Journalists of the Philippines sa seguridad ng pamilya ng mga biktima sa Maguindanao massacre dahil karamihan sa mga akusado ang pinaghahanap pa rin ng otoridad.
Ito ang kasunod ng guilty verdict laban sa ilang miyembro ng Ampatuan clan makaraan ang sampung taon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Nonoy Espina, chair ng National Union of Journalists of the Philippines,sinabi nito na may posibilidad na maghiganti ang Ampatuan clan.
Ayon kay Espina, may pwersa pa rin ang Ampatuan clan dahil hindi pa matunton ng otoridad ang kinaroroonan ng 80 suspek sa massacre.
Kinuwestyon rin ni Espina kung bakit acquited sa kaso sina Datu Sajid Islam Ampatuan at Datu Akmad “Tato” Ampatuan Sr. gayong hinatulan ng guilty sina Zaldy Ampatuan, Datu Andal “Unsay” Ampatuan Jr., Datu Anwar Ampatuan Sr., Datu Anwar Ampatuan, Jr. at Datu Anwar Sajid Ampatuan.
Simula noong 1989, marami na ang pinatay na media men at sa mga nangyayari ngayon, hindi maikakaila ayon kay Espina na mas lalong lumala ang sitwasyon.