KORONADAL CITY – Mariing tinututulan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang isinusulong na gawing tourist destination ang ground zero ng massacre site sa Sitio Masalay, Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao.
Ito ang inihayag ni NUJP chapter secretary-general for Davao City Kath Cortez sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Cortez, isang uri ng pambabastos para sa mga naulilang pamilya lalo na sa mismong mga biktima ang naturang hakbang dahil inaalala nila ang mapait na sinapit ng kani-kanilang mga mahal sa buhay sa nasabing lugar bawat taon.
Aniya, hindi sila pumupunta doon upang mag-sightseeing o kumuha ng mga larawan kundi manalangin at magsindi ng kandila para sa ikakapayapa ng kaluluwa ng mga biktima ng masaker.
Samantala, apela nito sa pamahalaan na paigtingin ang kanilang mga hakbang sa paghuli sa mga suspek na nananatiling at large na posible umanong maging banta sa mga pamilya ng massacre victims.