-- Advertisements --

VIGAN CITY – Hindi nawawalan ng pag-asa ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na magkakaroon ng positibong resulta para sa mga biktima ang magyayaring promulgation ng Maguindanao Massacre bukas.

Isa ang NUJP sa mga grupong nakikiisa at umaaasang bukas ay makakamit na ng pamilya ng higit sa 30 mamamahayag ang hustisya sa nangyari sa mga ito noong 2009.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay NUJP chairman Nonoy Espina, sinabi nitong personal nilang tutunghayan ang promulgation ng nasabing kaso bukas, kasama ang ilang pamilya ng mga biktima.

Hindi ikinaila ni Espina na para sa kaniya ay umaasa itong guilty ang ihahatol sa mga pangunahing suspek sa karumal-dumal na krimen na nag-ugat sa away – pulitika sa Maguindanao dahil 10 taon ang itinagal nito sa korte.

Kasabay nito, binigyang-diin ni Espina na ang aabot sa 200 akusado na unang babasahan ng sakdal na may kaugnayan sa kaso ay unang batch pa lamang ng mga dapat na makasuhan at maparusahan dahil mayroon pa umanong aabot sa 80 suspek na pinaghahanap ng mga otoridad na dapat ding maparusahan.