CAUAYAN CITY – Agad na inalok na magturo sa paaralan kung saan siya nagtapos sa Binian, Laguna ang number 1 sa Licensure Examination for Teachers (LET) elementary level na si Jenechielle Lopoy.
Si Lopoy, 23 anyos at nagtapos sa kursong Bachelor of Science in Elementary Education (BSEEd) sa St. Michael College of Laguna ay nakakuha ng rating na 93.80%.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Bb. Lopoy na hindi niya inaasahan na makakamit ang number 1 sa LET sapagkat nagkaroon siya ng problema dahil naubusan siya ng oras kaya sinagot ang nalalabing 10 items na hindi na binasang mabuti ang mga tanong.
Si Bb . Jenechielle Lopoy ay panganay sa dalawang magkapatid at kanyang mga magulang ay caretaker sa isang hardware na mayroon ding junkshop.
Sinabi ni Bb. Lopoy na dahil sa award na natanggap noong nagtapos ng kolehiyo ay na-pressure siya kaya gusto niyang pumunta sa review center na walang nakakakilala sa kanya para walang pressure.
Ang mga natanggap na award ay Best in Practicum, with Honors at Senator Manny Villar award bilang Oustanding student.
Ayon kay Bb. Lopoy, noong nag-aral siya sa Misamis Oriental ng grade 1 hanggang grade 3 ay may mga award siya ngunit nang lumipat na sila sa Laguna ay noong college na lang siya nagkaroon ulit ng mga award.
Noong Marso 2020 kukuha sana siya ng exam ngunit naipagpaliban dahil sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Kumuha lang siya ng exam noong January 2022, dalawang taon ang nakalipas mula nang magtapos siya ng kurso noong Mayo 2019.
Sa exam ay nagkaroon siya ng problema dahil hindi niya naisulat ang subject sa General Education at naubusan siya ng oras kaya ang nalalabing 10 items ay hindi na niya nabasang mabuti kundi nag-shade na lang siya ng sagot.
Nakahinga siya nang maluwag nang sabihin ng proctor na hindi problema na hindi niya naisulat ang subject na General Education dahil may code para malaman na sa kanya ang answet sheet.
Sa mga post test aniya sa review center ay minsan siyang nasa number 1 at hindi nawawala sa top 10 sa iba pang post test.
Nang ilabas kahapon ang resulta ng LET ay naglalaro siya ng Mobile Legends (ML) at hindi agad pinansin ang nag-puff up sa kanilang group chat hanggang ang may-ari mismo ng review center ang nagbigay ng mensahe at bumati sa kanya dahil siya ang number 1.
Naiyak na siya sa tuwa at nagkaiyakan din sila nang sabihin niya ito sa kanyang pamilya.
Ayon kay Bb. Lopoy, nag-alok ang kanilang school na magturo ngunit pinag-iisipan pa niya.
Ang gagawin niya ngayong nalaman na ang resulta ng LET ay kukuha siya ng training sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para makakuha ng NC 2.
Sinabi pa niya na gusto niyang kuning kurso noong una ay nursing ngunit sinabi ng mga magulang niya na hindi in-demand ang mga nurse sa kanilang lugar kundi ang teaching kaya ito ang kanyang kinuhang kurso.