Hindi sususpindihin ang number coding scheme sa Metro Manila bukas, July 22, sa araw ng ikatatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinang Marcos Jr., ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Inaabisuhan ng MMDA ang mga motorista na magiging epektibo ang number coding sa kalakhang maynila kabilang na ang Quezon City kung saan gaganapin ang SONA.
Ayon kay MMDA Chairperson Romando Artes, mas malaki ang posibilidad na mas darami ang mga sasakyan at magreresulta ng mabigat na daloy ng trapiko kung tatanggalin ang number coding scheme.
Sa Lunes, July 22, ang mga sasakyan na may plate number na nagtatapos sa numbers 1 at 2 ay hindi pwedeng bumyahe mula 7 a.m. hanggang 10 a.m. at 5 p.m. hanggang 10 p.m.
Una nang inanunsyo ng MMDA na magkakaroon ng alternate traffic routes at magde-deploy ng 2,000 personnel para umalalay sa inaasahang mabigat na trapiko, partikular na sa Quezon City.