Mananatiling suspendido ang number coding sa Metro Manila hanggang Good Friday, April 18, 2025.
Una nang sinuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding epektibo ngayong araw bilang bahagi ng traffic management plan ng naturang opisina ngayong Semana Santa.
Saklaw nito ang lahat ng mga private vehicle sa Metro Manila kung saan malayang makaka-biyahe ang mga motorista sa buong kamaynilaan anuman ang last digit ng kanilang license plate na siyang basehan ng number coding.
Samantala, nananatili namang naka-deploy ang kabuuang 2,542 field personnel ng MMDA hanggang sa pagtatapos ng Semana.
Kasama rin sa mga nakadeploy ang kabuuang 469 traffic at emergency assets na nasa iba’t-ibang lokasyon sa buong kamaynilaan, pangunahin na ang mga kalsadang laging nakakaranas ng mabigat na daloy ng trapiko.
Nananatili namang nakabantay ang MMDA – Command and Communications Center sa Pasig City upang ma-monitor ang traffic at iba pang insidente sa lansangan, real time, sa pamamagitan ng CCTV.
Mananatili ding nakadeploy ang mga MMDA team sa mga pangunahing transport terminal, simbahan, at mga Visita Iglesia route sa buong kamaynilaan.