Suspendido ngayong araw ang number coding scheme para sa mga sasakyan na dumadaan sa EDSA.
Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagsuspinde sa number coding traffic scheme simula ngayong Araw ng Pasko (Lunes), Disyembre 26 o bukas at sa Araw ng Bagong Taon.
Sinabi ng MMDA na ang pagsuspinde sa number coding scheme, na pormal na tinatawag na Unified Vehicle Volume Reduction Program (UVVRP)ay bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan upang matiyak ang maayos na paglalakbay para sa publiko sa panahon ng kapaskuhan.
Inaasahan kasi na marami ang mga sasakyan na gumagamit ng EDSA tuwing holiday season.
Ayon sa ahensya dapat na planuhin ang biyahe, sumunod sa batas trapiko, at mag-ingat sa pagmamaneho lalo na sa mga humahabol na makauwi ng kani-kanilang mga probinsiya.
Layunin ng panukala na mabawasan ang pagsisikip ng trapiko sa ilang mga kalsada sa National Capital Region (NCR) sa pamamagitan ng pagbabawal sa mga sasakyang may plaka na nagtatapos sa 1 at 2 tuwing Lunes, 3 at 4 tuwing Martes, 5 at 6 tuwing Miyerkules, 7 at 8 tuwing Huwebes, at 9 at 0 tuwing Biyernes.
Una na rito, tiniyak ng MMDA na ang kanilang mga traffic personnel ay nakatalaga sa kanilang mga posisyon upang mamahala sa trapiko ngayong araw ng pasko.