Nasa kustodiya na ng Calabanga Municipal Police Station sa Camarines Sur ang PNP Non Uniformed Personnel (NUP) matapos na maaresto ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) dahil sa iligal na droga.
Kinilala ni IMEG Director P/BGen. Oliver Enmodias ang drug suspek na si Norberto Elorpe alyas Obet na nakatalaga sa Magaraw Municipal Police Station sa naturang lalawigan.
Ikinasa ng IMEG ang operasyon katuwang ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bandang alas-5:20 kahapon ng hapon sa Zone 1, Brgy. San Miguel sa bayan ng Calabanga.
Agad hinuli ng mga otoridad nang positibo tanggapin ng suspek ang nasa P15,000 marked money mula sa ahente ng PDEA na nagpanggap na poseur buyer.
Nakuha sa suspek ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 7 gramo at tinatayang mahigit P47,000.00 ang halaga at ang boodle money na ginamit sa operasyon, cellphone at motorsiklo na kaniyang gamit.
Ayon kay Enmodias, matagal nang minamanmanan si Elorpe sa iligal na gawain nito hanggang sa may makita silang pagkakataon upang maaresto ito.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA9165 si Elorpe habang nanawagan naman ang IMEG sa publiko na isumbong sa kanila ang sinumang tauhan ng PNP na sangkot sa iligal na gawain.