CAGAYAN DE ORO CITY – Gusto ng grupong National Union of People’s Lawyers (NUPL) na direktang marinig mula sa pangatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang policy direction ukol sa proteksyon ng karapatang pantao sa bansa.
Kasunod ito ng hindi umano malinaw na palisya ng administrasyon ukol sa human rights policy sa dalawang nagdaan na SONA ni Marcos simula nang maupo sa kapangyarihan.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni NUPL President Atty Ephraim Cortez na sapat na siguro ang tatlong taon upang atupagin naman ni Marcos ang patuloy na suliranin patungkol sa usaping pangkalahatang proteksyon ng karapatang pantao.
Sinabi ni Cortez na hindi dapat balewalain ni Marcos ang inilabas na ulat mula sa United Nations Human Rights Council kung saan talamak pa rin ang mga abusong pantao.
Umaasa rin sila na marinig mula sa SONA ang pagbanggit ng kontrobersyal na pag-repaso ng counter terrorism-insurgency measures ng bansa upang mapanatili ang respeto ng human rights at international humanitarian laws.