BACOLOD CITY – Kapwa binawian ng buhay ang isang nurse at isang guro na magkaangkas sa motorsiklo matapos magulungan ng truck na may kargang tubo sa Cadiz City, Negros Occidental kahapon ng hapon.
Ayon sa Cadiz City Police Station, kapwa papuntang south direction ang 14-wheeler truck at ang motorsiklo nang nagtangkang mag-overtake ang motorsiklo sa kanang bahagi ng truck.
Ngunit dahil inaayos pa ang daan sa lugar, nawalan ng kontrol sa motorsiklo ang driver na si John Paul Ladrillo kaya’t natumba at nagulungan sila ng truck.
Dead on the spot ang angkas na kinilalang si John Eurich Depasupil habang namatay naman sa pagamutan ang driver.
Batay sa imbestigasyon, papunta sana sa bayan ng Manapla ang dalawa nang mangyari ang aksidente.
Ang 30-anyos na driver ng motorsiklo ay nurse sa Cadiz District Hospital samantalang ang angkas naman ay guro sa Vicente Patricio Memorial Elementary School sa Barangay Magsaysay, Cadiz City.
Sa ngayon, kulong ang driver ng truck na si Mario Bendevel ng Barangay Malasibog, Escalante City sa Cadiz City Police Station.