DAVAO CITY – Kinumpirma ng isang opisyal ng Philippine Obstetrical and Gynecological Society-Southern Mindanao Chapter (POGS-SMC) na isang nurse na buntis ang namatay sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) dahil sa Covid-19.
Hindi na pinangalanan ni Dr. Gina Alvarez sa POGS-SMC ang nasabing nurse na hindi pa nabakunahan ng anti-Covid vaccine.
Ito rin umano ang dahilan na kailangang sumailalim sa bakuna para magkaroon ng sapat na proteksiyon lalo na ang ina at anak nito.
Inihayag rin Alvarez na doble ngayon ang kampanya ng POGS-SMC para sa information dissemination ng covid vaccine lalo na at patuloy ngayon na tumataas ang bilang ng mga nahawa ng Covid-19 dulot ng Delta variant.
Nanawagan na lamang ang grupo sa mga buntis na hindi magdalawang isip na magpabakuna.
Una ng inihayag ng Department of Health (DOH) na ang mga babae na buntis ay bahagi ngayon ng expanded A3 priority group ng Covid-19 vaccination at base sa rekomendasyon ng local experts, ang Covid-19 vaccines ay ligtas sa mga buntis ngunit nirekomenda lamang ito kung nasa second o third trimester ang pagbubuntis nito.