-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nasa stable na kondisyon na ang isang nurse na nasugatan matapos mabangga ng isang sports car ang minamaneho nitong kotse sa highway ng Barangay Salvacion, Murcia, Negros Occidental, kahapon ng umaga.

Ang biktima at driver ng Vios na nagtamo ng slight injuries ay nagngangalang Mary Ann Pastro, 27-anyos na residente ng Barangay Caliban, Murcia; habang ang nagmamaneho ng Nissan GT-R sports car ay isang Eugene Albert Po, 34, residente ng St. Francis Village, Barangay Taculing, Bacolod City.

Si Po ay anak ng franchise owner ng isang fast food chain at cellphone store sa Lungsod ng Bacolod.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PM/Sgt. Donald Garde, traffic investigator ng Murcia Municipal Police Station, bumabiyahe papuntang north direction ang dalawang sasakyan ngunit nag-overtake ang sports car sa isang motorsiklo at dumaan sa baha.

Ayon kay Garde, dahil umuulan ay posible na noong pumreno si Po, hindi nito nakontrol ang manibela kaya bumangga sa sinusundang Vios, na tumalbog naman sa taniman ng mga tubo.

Kinumpirma rin ng traffic investigator na hindi naman nagtamo ng seryosong sugat ang mga sakay ng dalawang sasakyan ngunit dinala si Pastro sa Murcia Municipal Health Unit at ini-refer sa ospital.