ROXAS CITY – Dismayado ang isang nurse matapos makaranas ng diskriminasyon sa kanyang landlady na itinuring niyang pamilya dahil sa takot nito sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Benn Aaron Santiago, sinabi nitong nabigla siya ng kausapin ng landlady at sabihan na humanap na lamang ng ibang matutuluyan dahil hindi na sila tumatanggap ng mga nurses.
Nasaktan si Santiago dahil parang nandidiri ang ibang tao sa mga frontliners katulad niya na posibleng takot na mahawaan ng virus.
Ngunit para maproteksyunan rin ng mga frontliners ang kanilang mga sarili ay gumagamit sila ng Personal Protective Equipment (PPE).
Samantala kinumpirma ni Santiago na mas malala pa ang naranasang diskriminasyon dahil ibang mga frontliners na mga nurses ay nagulat na lamang na sa pag-uwi sa kanilang boarding houses ay nasa labas na ang kanilang mga gamit at hindi na sila pinahintulutang makapasok sa takot na dala nila ang virus.
Dahil dito ay umapela ito sa publiko na intindihin at respetuhin silang mga frontliners dahil tinataya nila ang kanilang buhay para lamang tumulong sa mga maysakit at para hindi na kumalat pa ang coronavirus disease.
Nanawagan rin ito sa gobyerno na wag pabayaan ang mga frontliners at iparamdam sa kanila ang suporta.