CENTRAL MINDANAO – Hustisya ngayon ang sigaw ng pamilya at mga kasamahan sa trabaho ng isang nurse na sinabuyan ng bleach sa mukha sa lungsod ng Tacurong, Sultan Kudarat.
Ayon sa mga opisyal ng Saint Louis Hospital sa Tacurong, papunta umano ang biktima sa kanyang trabaho mula sa kanyang tahanan nang harangin ng limang hindi pa nakikilalang suspek malapit sa public market sa Brgy. Poblacion, bayan ng President Quirino.
Pinagmumura umano ang nasabing medical staff ng naturang grupo at kinukutya na may coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil nagtatrabaho ito sa pagamutan.
Pinagtulungang bugbugin ang biktima at sinabuyan pa ng bleach ang kanyang mukha.
Iniwan ng mga suspek ang medical staff na nagtamo ng matinding pasa sa katawan at halos hindi makakita ngunit nagawa pa nitong pumunta sa pagamutan.
Agad isinailalim ang biktima sa eye procedure para maibsan ang sakit ng kanyang mata.
Kinumpirma ng mga kasamahan ng biktima sa Saint Louis Hospital na nagtamo ito ng matinding pinsala sa mata at posibleng magdulot ng pagkabulag.
Hiling ngayon ng pamunuan ng ospital sa gobyerno na maimbestigahan ang pangyayari at mabigyan ng hustisya ang biktima na hindi na nila pinangalan dahil sa kanyang seguridad.
“As we remain steadfast in the service of the communit,we likewise show resilience in this pursue of justice,we believe that justice will prevail and we will hold those accountable to the full extend of the law,” saad pa ng ospital.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng President Quirino PNP para mapanagot at mahuli ang mga suspek.