ROXAS CITY – Sumangguni sa pulisya ang isang nurse na frontliner sa COVID-19 pandemic matapos na paalisin siya sa kanyang tinitirhang boarding house sa Rooseville Heights, Barangay 11, Roxas City.
Sinabi ni Benn Aaron Santiago, 22-anyos at residente ng Sigma, Capiz, sa kanyang blotter report na pagdating niya sa kanyang boarding house ay kinausap siya ng kanyang landlady at sinabihang maghanap na lang ng ibang matitirhan.
Ang palusot umano sa kanya ng kanyang landlady ay hindi na umano sila tumatanggap pa ng nurse sa kanilang boarding house.
Dismayado naman si Santiago sa naturang pangyayari at ikinalungkot ang pinagdaanang diskriminasyon sa kabila nang pagserbisyo bilang frontliner sa laban kontra COVID-19.
Kaya naman nananawagan ito sa ngayon sa lokal na pamahalaan na aksyunan ang diskriminasyon sa katulad nilang frontliners.