VIGAN CITY – Kinilala ng local government unit ng Lidlidda, Ilocos Sur sa pangunguna ni Mayor Sherwin Tomas ang isang Filipina nurse sa Saudi Arabia na boluntaryong tumulong sa isang overseas Filipino worker (OFW) na magdadalawang taong nanatili sa King Fahd University Hospital matapos na atakihin sa puso at maaksidente sa loob ng bahay ng amo nito sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ang nasabing Filipina nurse ay si Romella Bayatin na taga-Lidlidda, Ilocos Sur na kasama pa ng OFW na si Carmen Aglibut Tabon na taga-Naguimba, Banayoyo, Ilocos Sur na umuwi sa Pilipinas noong August 30 sa tulong ng Bombo Radyo Vigan at ng Department of Foreign Affairs, katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Una nang idinulog sa Bombo Radyo ni Bayatin ang sitwasyon ni Tabon sa Saudi Arabia sa isa sa mga programa ng istasyon dahil nais nitong makauwi sa bansa si Tabon at dito na magpagaling.
Natugunan naman ang hinaing ni Bayatin sa tulong ng mga concerned government officials na siyang umagapay upang maipaalam sa mga kinauukulan ang nangyari kay Tabon.
Sa ngayon, nasa Naguimba, Banayoyo na si Tabon kapiling ang kaniyang pamilya samantalang si Bayatin naman ay nakatakda nang bumalik sa Saudi Arabia pagkatapos ng dalawang linggo na pananatili niya sa bansa matapos na samahan pauwi si Tabon.