Pinabulaanan ng National Water Resources Board (NWRB) ang posibilidad na magkaroon ng kakulangan nsa supply ng tubig sa Metro Manila at mga kalapit na lugar ngayong panahon ng tag-araw.
Ito ay kahit na nananatiling mababa sa ideal ang antas ng tubig ngayon sa Angat Dam.
Sinabi ni NWRB Executive Director Sevillo David Jr. sa ngayon, partikular na sa buwan ng Marso at Abril ay mayroon pa rin namang sapat na tubig na matatanggap ang mga residenteng sineserbisyuhan ng Angat Dam lalo na sa Metro Manila.
Sa kasalukuyan kasi ay nasa 195 meters pa ang lebel ng tubig sa Angat Dam, 15 metrong mas mataas kumpara sa 180-meters na minimum operating threshold nito.
Aminado ang opisyal na sa sitwasyong ito ay medyo mababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam dahilan kung bakit kinakailangan itong paghandaan.
Nasa mahigit 200 meters kasi ang ideal water level sa naturang dam.
Ngunit muli naman na iginiit ni David na sasapat ang supply nito para sa panahon ng tag-init.