Nagbigay abiso ang National Water Resources Board (NWRB) sa publiko kaugnay sa posibleng maging epekto sa supply ng tubig sa buong Metro Manila at mga karatig pang mga lugar nito dahil sa kasalukuyang antas ng tubig sa Angat Dam.
Sinabi ni National Water Resources Board (NWRB) Executive Director Dr. Sevillo David, Junior na sa ngayon ay nasa 202.3 meters na lamang ang lebel ng tubig sa Angat Dam, mas mababa ng sampung metro kumpara sa normal high water level na 210 meters.
Inasahan aniya ng kanilang kagawaran na sa pagtatapos ng taong 2021 ay aabot pa sa 212 meters ang antas ng tubig dito ngunit sa pagtatapos ng buwan ng Disyembre ay bumaba na ito sa 202.8 meters.
Dahilan kung bakit kinakailangan na i-manage ang supply ng tubig sa ngayon at tipirin muna ang paggamit nito.
Paglilinaw naman ni David, kung pagbabatayan ang climate projection ng PAGASA ay aabot pa ang supply ng tubig hanggang sa buwan ng Abril bago pa man ito umabot sa 180meters na minimum operating level ng Angat Dam.
Aniya, bukod sa dam ay maaari rin na pagkuhaan ng supply ng tubig ang mga deepwell at water treatment facilities na parating nakahanda kung sakaling kailanganin na ang mga ito.
Bukod pa dito ay sinabi rin ni David na kasama ang cloud seeding sa kanilang plano bilang hakbang upang maagapan ang tuluy-tuloy na pagbaba ng tubig sa dam.
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang monitoring ng National Water Resources Board (NWRB) sa multi-purpose na Angat Dam dahil 95% ng supply ng tubig sa buong Metro Manila ay nakasalalay dito maging ang iba pang karatig na lugar nito tulad ng Bulacan, Cavite, at Rizal