-- Advertisements --

Tiniyak ng National Water Resources Board (NWRB) na hindi mawawalan ng suplay ng tubig sa kalakhang Metro Manila.

Sa kabila ito ng pagbaba ng antas ng tubig sa Angat Dam na pangunahing nagsusuplay ng tubig sa buong National Capital Region (NCR) at iba pang mga karatig na lugar nito.

Ayon kay NWRB Director Sevillo David Jr., sampung metro na mababa ang kasalukuyang lebel ng tubig sa Angat Dam kumpara noong mga nakalipas na taon.

Batay aniya sa projection ng NWRB, ang 190 meters na suplay ng tubig ay sasapat hanggang sa buwan ng Mayo bago ito bumaba sa 180 meters na minimum operating level ng nasabing dam.

Sa ngayon ay nagsasagawa din ang kagawaran ng water security roadmap para matiyak na may sapat na supply ng tubig hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa buong bansa.

Samantala, patuloy naman na umapela sa publiko si David na magtipid sa tubig sa bahagyang mababang antas ng tubig ngayon sa Angat Dam.

Magugunita na una rito ay nagsagawa na ng cloud seeding operations ang NWRB katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno upang maagapan patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa dam na nakikitaan naman nito ng magandang resulta matapos na bahagyang madagdagan ang water level sa nasabing dam.