-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Puspusan na ang paghahanda para sa nakatakdang oath taking at inauguration ng mga bagong halal na kandidato sa bayan ng Kabacan Cotabato.

Ayon sa impormasyon, isasagawa ang aktibidad sa Hunyo 13, 2019 sa Kabacan Municipal Gymnasium habang si Executive Judge-RTC Branch 16 at 22 Judge Alandrex M. Betoya ang magiging inducting officer.

Matatandaang naging maayos ang isinagawang midterm election sa bayan ng Kabacan noong Mayo 13.

Muling naihalal para sa kanyang ikatlong termino si Herlo Guzman Jr. bilang alkalde, bise alkalde din ang kanyang kapartido na si Myra Dulay Bade.

Habang nailuklok sa unang puwesto bilang konsehal si Ayesha Quilban, pangalawa si Herlo C. Guzman Sr., sinundan ni Leah A. Saldivar, Raymundo Gracia, Rhosman Mamaluba, Joel Martin, Fathma Guiabar, at si Datuan Macalipat.

Kaugnay nito, iniimbitahan ang publiko na dumalo at saksihan ang mga naihalal na mga kanditato sa bayan ng Kabacan.

Samantala, hinimok ni Municipal Local Government Operations Officer Ranulfo Martin ang mga nanalong kandidato na laging unahin ang taong bayan na magiging prayoridad ng kanilang paninilbihan.

Pinaalala din nito ang pagsusumite ng Statement of Contribution and Expenditure o SOCE bago pa man ang nakatakdang huling araw ng pagsusumite.