KALIBO, Aklan – Umapela si Bishop Jose Corazon Talaoc ng Diocese of Kalibo kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang ituloy ang planong pagpapatayo ng mga casino sa isla ng Boracay.
Sa kanyang sulat sa pangulo na binasa sa mga isinagawang misa kahapon, Setyembre 19, sinabi ni Bishop Talaoc na hindi na kailangan ang casino sa Boracay, na tinawag nitong “God’s gift” dahil sa ito ang nagbibigay ng trabaho sa mamamayan at kita na rin para naman sa pamahalaan.
Maliban sa national government, umapela din ang obispo sa lokal na pamahalaan ng Aklan at mga kapwa pari upang samahan ang kanyang panawagan na pigilan ang pagbubukas ng mga pasugalan.
Dagdag pa nito na may katungkulan rin umano ang mga mamamayan ng Aklan na alagaan at pahalagahan ang Boracay.
Nauna dito, kumambyo si Pangulong Duterte sa kanyang pahayag na pumapayag na itong buksan ang Boracay sa mga casino upang makalikom ng buwis na maaring magamit para sa COVID-19 response ng pamahalaan.