-- Advertisements --

Nanawagan ang chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na si Bishop Oscar Jaime Florencio sa gobyerno na tugunan ang problema sa masikip na kulungan sa bansa sa gitna ng matinding init ng panahon. 

Para sa obispo, ang mabisang solusyon umano ay ang pagpapatupad na ng mga kasalukuyang polisiya ng gobyerno. 

Ilan umano rito ang pretrial release program at ang kamakailan lang na ruling ng Korte Suprema para sa good conduct time allowance privilege sa mga persons deprived of liberty (PDL) na nakagawa ng heinous crimes. 

Naniniwala si Bishop Florencio na kapag napatupad ang mga ito ay mababawasan na ang mga nakakulong sa masisikip na correctional facilities sa bansa. 

Umapela rin ito sa mga ahensya ng pamahalaan na bigyan ng prayoridad ang hirap na nararanasan ng mga persons deprived of liberties sa pamamagitan ng pagpapabilis ng paglaya ng mga ito lalo na kung pasok ito sa kwalipikasyon ng batas.

Bilang tugon sa mainit na panahon, nagpadala na rin ng tulong ang mga volunteer ng Commission on Prison Pastoral Care gaya ng electric at exhaust fans sa ilang mga kulungan.