TUGUEGARAO – Maghahandog ng isang obra maestra ang mga Pilipino sa Italya kay Pope Francis sa pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Demetrio Bong Ragudo Rafanan, ang obra na kabilang sa Quincentennial competition ay likha ng isang Filipino artist na si Ryan Carreon mula Cagayan De Oro.
Makikita sa larawan ang paghahandog ni Ferdinand Magellan ng imahe ng Sto. Niño sa isang asawa ng Datu sa Cebu makaraang tanggapin ang pananampalatayang Kristiyano noong 1521 na kauna-unahan sa bansa.
Ang orihinal na obra ay nakalagak ngayon sa isang museo sa Italya at ang replica nito ang ihahandog kay Pope Francis na siyang mangunguna ng Banal na Misa ngayong araw.
Samantala, 100 katao lamang ang papayagan sa loob ng Vatican square habang maaari namang makapanood ang mga Pilipino sa isasagawang misa sa pamamagitan ng big screen na nasa labas ng Vatican at maging sa online.
Ito ay bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19 kung saan nakatakdang ipatupad sa Lunes ang lockdown sa Italya dahil sa dumaraming kaso ng nagpopositibo sa virus.