KALIBO, Aklan – Gumagawa ngayon ng pangalan sa Canada ang isang Aklanon multi-disciplinary artist dahil sa pagtangkilik ng kanyang obra ng ilang mga sikat na personalidad.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Jason James Recasa Zante, 22-anyos, tubong Libacao, Aklan at naninirahan na ngayon sa Toronto, Canada na labis ang kanyang tuwa nang dalawa sa kanyang artwork ang kinuha ng sikat na Canadian singer na si Justin Bieber at asawa nitong si Hailey gayundin ng ring announcer na si Bruce Buffer.
Dahil sa talento, naitampok rin umano siya sa Forbes, Architectural Digest magazine, Hypebeast, at maging ang iba sa kanyang likha ay makikita sa ilang gusali sa Toronto katulad ng sikat na Four Seasons Hotel.
Samantala, paparangalan ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan si Zante dahil sa kanyang kontribusyon sa larangan ng sining na nakakuha ng international recognition na malaking karangalan sa Aklan at buong Pilipinas.
Si Zante ay ipinanganak sa Aklan at nang anim na taong gulang ay kinuha ng kanyang ina at dinala sa Canada.
Nagtapos siya ng kanyang Bachelor’s Degree in Graphic Design sa OCAD University sa Tonto, Ontario, Canada at kumuha ng Virtual Arts Program noong 2017 sa Cardinal Center Academy for the Arts in Toronto.