Posibleng ihain ang mga reklamo para sa obstruction of justice laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtatago sa kinaroroonan noon ni KOJC founder Apollo Quiboloy kahit pa alam ito ng dating pangulo ayon sa isang mambabatas.
Naungkat ito nang tanungin ni House Deputy Minority leader France Castro si Ako Bicol party-list Rep. Raul Angelo Bongalon na dumidepensa sa pondo ng Department of Justice sa plenary debates sa Kamara para sa panukalang pondo sa 2025 kung maaaring maging liable si Duterte sa ilalim ng batas matapos sabihin ng dating pangulo nang matanong siya noong Hulyo na alam niya kung nasaan si Quiboloy pero ito ay sekreto.
Dito, tinanong ni Cong. Castro kung maikokonsidera itong obstruction of justice. Paliwanag naman ni Bongalon, na may mga iba’t ibang elemento ang krimen. Kayat kapag present aniya ang lahat ng elemento, sinuman ang posibleng offender, maaari itong maging kaso ng obstruction of justice.
Sinabi pa ni Cong. Bongalon na hayagang sinabi ni dating pangulong Duterte na alam niya kung nasaan si Pastor Quiboloy pero tumangging ibunyag dahil ito umano ay sekreto. Kayat ang mga pahayag na ito umano ng dating pangulo lalo na at siya ay administrator ng mga property ng KOJC ay maaaring mag-warrant ng posibleng kaso ng obstruction of justice laban sa kaniya.
Una rito, ilang mga mambabatas kabilang si Rep. Bongalon sa nananawagan para imbestigahan ang umano’y naging papel ng dating pangulo at kaniyang mga kamag-anak sa pagtatago ng pastor na noon ay pinaghahanap ng mga awtoridad para isilbi ang inisyung arrest warrant ng korte.
Sa kampo naman ng ex-president, una ng sinabi ni dating presidential legal counsel Salvador Panelo na administrator lang si Duterte para sa KOJC properties at hindi ni Quiboloy. Paliwanag pa ni Panelo na abogado si Duterte at alam niyang hindi tama na ikanlong ang isang pugante.