-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nanawagan ng mas matibay na aksyon ang mambabatas mula sa Occidental Mindoro na nakakasakop sa mga mangingisdang Pilipino na sinasabing binangga at pinabayaan ng Chinese vessel sa Recto Bank ng West Philippine Sea.

Inihayag ni Occidental Mindoro Lone District Rep. Josephine Sato sa Bombo Radyo Legazpi, na bagama’t binabanggit ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin ang patungkol sa diplomatic affairs ay wala namang pormal na imbestigasyon ang bansa sa isyu.

Ayon kay Sato, hindi dapat na umasa ang Pilipinas sa isinasagawang imbestigasyon ng China lalo na’t sa umpisa pa lamang ay pinabulaanan na ng mga ito ang nangyari.

Iginagalang umano nito ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na simpleng “maritime incident” ang nangyari subalit nakasalalay din sa usapin ang pangkalahatang pagtingin sa territorial integrity ng bansa.

Nilinaw pa ng kongresista na hindi humihiling ng giyera, kundi ito ay paglaban lamang sa karapatan at soberanya ng bansa habang nilalayong maibsan ang hinanakit na nararamdaman ng mga mangingisda.

Samantala, pinag-aaralan na rin kung hihirit ng tulong ng congressional inquiry sa nangyari.