-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Tutulungan ng Office of the Civil Defense o OCD 12 ang City Government of Kidapawan sa pagpapatakbo ng mga Covid19 Isolation at Quarantine facilities sa lungsod.

Partikular na sasagutin ng ahensya ang pagkain ng may 30 na mga Covid-19 positive patients na nasa loob ng mga nabanggit na pasilidad ngayong buwan ng Setyembre.

Saklaw nito ang agahan, pananghalian at hapunan ng mga pasyenteng nasa mga isolation at quarantine facilities ng City Government .

Ito ay ayon na rin sa letter of support na mula kay OCD 12 Regional Director Minda Morante na siyang ring Chair ng Regional Task Force on Covid 19 kay City Mayor Joseph Evangelista.

Pinasalamatan naman ng alkalde ang OCD 12 sa tulong na ipinaabot nito lalo na at punuan na ang mga Isolation, Quarantine at mismong Temporary Treatment and Monitoring Facilities para sa Covid19 sa lungsod.

Malaking bagay ito para sa City Government sa pagtugon sa nadaragdagang kaso ng sakit sa lungsod, ayon kay Mayor Evangelista.

Maliban sa tulong pagkain, naglaan din ng dalawang Isolation Facilities ang OCD 12 para gagamitin naman ng City Government sa mild cases ng Covid-19.

Matatagpuan ang mga nabanggit na pasilidad sa Barangay Nuangan at Barangay Sudapin sa lungsod.