-- Advertisements --

Tiniyak ng Office of the Civil Defense (OCD) na sapat ang mga idedeploy na mga personnel, partikular ang AFP, PNP, PCG at iba pang mga ahensya, na tutulong para sa magiging epekto ng Super Typhoon Leon. Ito ay sa gitna ng patuloy pa rin na mga tinutulungan ng mga naturang ahensya dahil sa bagyong Kristine.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla-Taborlupa, sapat ang bilang ng AFP para tugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino sa gitna ng bagyo. Dagdag pa niya na sila ay naka-standby at patuloy ang pag-momonitor para sa bagyong Leon.

Sinang-ayunan naman ni Office of the Civil Defense Spokesperson Dir. Edgar Posadas ang naturang pahayag. Aniya, dahil naka-red alert status na ang mga ibang lugar sa bansa magmula pa lamang sa bagyong Kristine, ibig-sabihin nito ay patuloy ang pagbabantay ng mga ahensya at LGUs sa mga maaaring epekto ng bagyo.