-- Advertisements --

Naghahanda na ang Office of the Civil Defense kasama ang mga ahensiya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan para sa isasagawang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill para sa ikalawang kwarter ng taon sa Hunyo 28, alas-2 ng hapon.

Ang nationwide earthquake drills ay ginagawa kada kwarter bilang parte ng pagsisikap ng pamahalaan na mapataas ang kamalayan ng publiko at kahandaan sa posibleng tumamang lindol sa bansa kabilang na ang tinatawag na “The Big One” na may tinatayang lakas na magnitude 7.2 na posibleng mag-trigger sa galaw ng West Valley Fault.

Sa isasagawang nationwide drill, inaasahang makikilahok ang publiko sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Duck, Cover and Hold postures.

Dito, masusubok ang Harmonized National Contingency Plan kung saan may alternate emergency operation centers na ilalagay sa strategic areas.

Inamin naman ng OCD na bagamat nakakatulong ang nationwide earthquake drill, hindi ito sapat para makapaghanda para sa magiging epekto ng malakas na lindol.

Kayat pinaalalahanan ng ahensiya ang publiko na manatiling alerto, sumunod sa Building Code at gamitin ang engineering solutions.