LEGAZPI CITY- Nakipagdayalogo si Office of the Civil Defence (OCD) Bicol Director Claudio Yucot sa mga alkalde ng Guinobatan at Sto-Domingo matapos itong magsagawa ng ocular inspection sa mga lugar na nasa 7-8km extended danger zone.
Ayon kay OCD Bicol spokesperson Gremil Naz sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ipinaliwanag ni Guinobatan Mayor Paul Chino Garcia na inilikas ang mga residente mula sa Barangay Maninila at Tandarora dahil sa banta ng pagdausdos ng lahar.
Nabatid kasi na wala na ang ilog na dating dinadaanan ng lahar deposits kaya pinangangambahang sa nasabing mga barangay dumaan ang lahar mula sa bulkang Mayon.
Kaugnay nito ay irerespeto aniya ng OCD ang magiging pasya ng naturang mga alkakde kung papanatilihin sa evacuation centers ang mga inilikas na residente mula sa extended danger zone o kung ipapa-decamp ang mga ito.
Nasa kamay na aniya ng mga local chief executives ang pasya lalo pa at sila ang nakaka alam ng sitwasyon.
Samantala, sinabi ni Naz na bukas na tumulong ang regional council sa pangangailangan ng naturang mga bayan.